Ceniza, Ramos swak sa Olympics
MANILA, Philippines — Patuloy na nadaragdagan ang mga Pilipino na nagkukuwalipika para sa 2024 Olympic Games sa Paris, France sa Hulyo.
Dalawa pang Pinoy athletes ang nadagdag mula sa weightlifting sa katauhan nina John Ceniza at Rosegie Ramos.
Humirit din ng tiket si Ceniza matapos masiguro ang ikaapat na puwesto sa men’s 61kg class sa 2024 International Weightlifting Federation (IWF) World Cup na ginaganap sa Phuket, Thailand.
Bumuhat si Ceniza ng 300kg mula sa 132 sa snatch at 168 sa clean and jerk at kinapos ng isang kilo para sana makuha ang tansong medalya.
Sapat na ito para masigurong makakapasok si Ceniza sa Paris Olympics.
Kasama si Ceniza sa 10 lifters na nakapasok base sa Olympic Qualification Rankings (OQR).
Nauna nang nakasungkit ng puwesto sa Paris Games si Rosegie Ramos na nagtala ng 190 kg. total lift sa women’s 49 kg class.
Inaasahang madaragdagan pa ito sa oras na sumabak sina Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz at Southeast Asian Games champion Vanessa Sarno.
Parehong nasa Top 10 sina Diaz at Sarno sa kani-kanilang dibisyon.
Nasa ika-walo si Diaz sa women’s 59kg tangan ang personal best na 224 kg. at pang-lima si Sarno sa women’s 71kg bitbit ang personal best na 249kg.
- Latest


















