Sinimulan na ang naturalization process ni Boatwright
MANILA, Philippines — Umarangkada na ang unang bahagi ng naturalization process ni Bennie Boatwright, Jr. bilang susunod na reinforcement ng Gilas Pilipinas sa international play.
Unang napaulat noong nakaraang linggo ang pag-naturalize kay Boatwright at ayon kay Gilas head coach Tim Cone ay nagsimula na ang proseso nito para lalong palakasin ang kanilang pool ng naturalized players.
“We already have an agreement and he has submitted his papers. This could be a long process,” ani Tim Cone na head coach din ng Ginebra sa PBA matapos ang 87-77 panalo nila sa Philippine Cup kontra sa Magnolia sa Easter Sunday Manila Clasico.
Kagagaling lang ni Boatwright, naglalaro ngayon sa Chinese Basketball Association, sa kampanya para sa San Miguel Beer sa kanilang PBA Commissioner’s Cup championship tampok ang inirehistrong 40.5 points, 12.5 rebounds at 4.0 assists.
Ang 27-anyos na si Boatwright ay produkto ng USC Trojans sa US NCAA bago maglaro sa NBA G-League, Mexico, Pilipinas at ngayon sa China.
Si Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) executive director at Gilas team manager Richard del Rosario ang nakatokang mag-ayos ng mga papales ni Boatwright bago ito pormal na masimulan ang proseso sa Kongreso.
Ang Kongreso, sa pamamagitan ng panukalang batas, ang magtatalakay sa naturalization ng sinumang manlalaro bago maipasa kay Pangulong Bongbong Marcos para sa kanyang pirma bago maging ganap na batas.
Ito rin ang pinagdaanan ng mga dating naturalized players ng Gilas na maaaring tumagal ng ilang buwan o taon.
Kung matutuloy ay sasamahan ni Boatwright sa lumalaking pool ng Gilas naturalized players sina Justin Brownlee, Ange Kouame at Jordan Clarkson.
Hindi dumaan sa naturalization ang Fil-American ace na si Clarkson ng Utah Jazz sa NBA subalit kinukunsidera ng FIBA bilang naturalized player.
Sina Marcus Douthit at Andray Blatche naman ang mga naging unang naturalized players ng Gilas.
- Latest