Curry, Warriors sinapawan ang Lakers
LOS ANGELES -- Nagsalpak si Stephen Curry ng 31 points para banderahan ang Golden State Warriors sa 128-121 panalo sa Lakers sa krusyal na Western Conference matchup.
Nagbabalik si Curry para sa Golden State (35-31) matapos magkaroon ng sprained right ankle.
Kumana si Klay Thompson ng 26 markers mula sa bench kasunod ang 23 points ni Jonathan Kuminga habang kumolekta si Draymond Green ng 6, points, 13 assists at 12 rebounds.
Humataw si LeBron James ng 40 points bukod sa 9 assists at 8 rebounds at tumipa si D’Angelo Russell ng 23 points at 13 assists sa panig ng Los Angeles (36-32).
Isang 10-2 atake ang ginawa ng Warriors sa third period para sa kanilang 91-79 abante at ang triple ni Thompson sa 7:41 minuto ng fourth quarter ang nagbaon sa Lakers sa 113-101.
Sa Memphis, nagposte si Chet Holmgren ng 22 points at 11 rebounds sa 118-112 panalo ng Oklahoma City Thunder (47-20) sa Grizzlies (23-45).
Sa Sacramento, bumanat si Jalen Brunson ng 42 points sa 98-91 pagpapatumba ng New York Knicks (40-27) sa Kings (38-28).
- Latest