Ancajas mag-iisip muna matapos matalo kay Inoue
MANILA, Philippines — Sa kanyang pag-uwi sa Pilipinas ay pilit na hahanapin ni dating world boxing champion Jerwin Ancajas ang kumpiyansa sa sarili.
Ito ay matapos matalo si Ancajas kay Japanese world bantamweight king Takuma Inoue via ninth-round knockout loss noong Sabado ng gabi sa Ryogoku Kokugikan National Sumo Arena sa Tokyo, Japan.
“Nakakawala kasi ng kumpiyansa iyong ganitong pagkatalo,” sabi ng dating world super flyweight titlist. “Iyong morale ko ngayon ang baba talaga, nakakawalang kumpiyansa ba.”
Bigo ang 32-anyos na si Ancajas (34-4-2, 23 knockouts) na maagaw sa 28-anyos na si Inoue (19-1-0, 5 KOs) ang suot nitong World Boxing Association (WBA) bantamweight crown.
Sa first round hanggang fourth round ay dumistansya si Ancajas bago dumikit at nakipagsabayan kay Inoue sa sixth round.
Ilang beses siyang nasuntok sa mukha at bodega ni Inoue hanggang tuluyan nang napaluhod sa ninth round matapos tamaan sa sikmura.
- Latest