SMB idedepensa ang PBA Philippine Cup
MANILA, Philippines — Sisimulan ng San Miguel ang pagdedepensa sa kanilang PBA Philippine Cup crown sa Marso 15 laban sa Rain or Shine sa Smart Araneta Coliseum.
Nanggaling ang Beermen sa paghahari sa nakaraang Season 48 PBA Commissioner’s Cup kung saan nila tinalo ang Magnolia Hotshots, 4-2, sa best-of-seven championship series.
Dalawang laro ang magbubukas sa Season 48 PBA Philippine Cup sa Pebrero 28 sa Ynares Center sa Antipolo City.
Sa alas-4:30 ng hapon magtutuos ang Converge at Terrafirma na susundan ng salpukan ng NorthPort at NLEX sa alas-7:30 ng gabi.
Maghaharap naman sa Marso 1 ang Meralco at Blackwater sa alas-4:30 ng hapon habang lalabanan ng TNT Tropang Giga ang Rain or Shine sa alas-7:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Bukod sa Smart Araneta Coliseum at Philsports Arena ay maglalaro rin ang PBA sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila sa unang pagkakataon.
Gagamitin ng PBA sa Ninoy Aquino Stadium ang sahig ng FIBA para sa nakaraang World Cup na ginamit sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tatlong out-of-town games ang iniskedyul ng PBA.
Sa Abril 13 ay maglalaban ang TNT at NLEX sa Candon, Ilocos Sur habang haharapin ng Rain or Shine ang Magnolia sa Tiaong, Quezon sa Abril 20 at magtutuos ang Barangay Ginebra at Converge sa Cagayan De Oro sa Abril 27.
- Latest