Unang medalya ng SLP sinisid ni Mojdeh
BANGKOK, Thailand - Nagparamdam ng lakas si Mikhael Jasper ‘Mikee’ Mojdeh matapos kubrahin ang unang medalya ng Team Philippines sa 2024 Asian Open School Invitational (AOSI) Aquatics Championships Bangkok na ginaganap sa Assumption University Aquatic Center (ABAC) sa Suvarnabhumi Campus dito.
Hindi nasindak si Mojdeh sa kanyang mga beteranong karibal nang masiguro ang tanso sa boys’ 8-year 50-meter breaststroke sa isinumiteng 51.05 segundo.
Ito ang unang international tournament ni Mojdeh kaya’t hindi maitago ang saya nito na makapagbigay ng karangalan sa bansa sa kanyang murang edad.
“It’s really an honor to represent our country in an international tournament. But winning a medal in my first international competition is just overwhelming. I’m so happy that I was able to contribute to the team,” sabi ni Mojdeh.
Si Mojdeh ang bunsong kapatid ni World Junior Championships semifinalist at Philippine national junior record-holder Micaela Jasmine.
Inaasahang magdaragdag pa ng medalya si Mikhael Jasper sa kanyang mga susunod na events sa torneong nilahukan ng mahigit 1,000 tankers mula sa iba’t ibang panig ng rehiyon.
Nagdagdag din ng tansong medalya sina Alister Arnaldo, Francis Luke Ebcas at Edgar Allan Uno Naraga sa kani-kanilang age brackets.
Pumangatlo si Arnaldo sa boys’ 9-year 50m breaststroke (45.18) gayundin sina Ebcas sa boys’ 16-year 50m breaststroke (30.35) at Naraga sa men’s 18-over 50m breaststroke (30.33).
- Latest