Biado kampeon sa Taiwan 9-Ball Open
MANILA, Philippines — Maganda ang pasok ng bagong taon para kay dating world champion Carlo Biado matapos pagharian ang 2nd Chinese Taipei Open 9-Ball Pool Championship na ginanap sa Hulk Billiards Hall sa New Taipei City, Taiwan.
Gamit ang malalim na karanasan, pinataob ni Biado ang kababayang si Bernie Regalario sa all-Filipino final, 13-7.
Tabla sa 7-all ang laban nang bumulusok si Biado kung saan inilatag nito ang 6-0 run para matamis na angkinin ang panalo.
Naibulsa ni Biado ang tumataginting na $10,000 premyo o mahigit kalahating milyong piso.
Nagkasya naman ang 19-anyos na si Regalario sa $5,000 konsolasyon o halos P300,000 premyo.
Sa katunayan, maagang lumasap ng kabiguan si Biado sa torneo nang magtamo ito ng 4-9 desisyon kay Taiwanese Ching Feng Wang sa second round.
Kaya naman mas naging agresibo si Biado sa mga sumunod na laban nito matapos mahulog sa losers’ bracket.
Pitong sunod na panalo ang naitala nito kabilang ang 8-1 panalo kay Taiwanese Shun Yang Kao.
- Latest