Northport swak sa quarterfinals
MANILA, Philippines — Pinormalisa ng NorthPort ang pag-entra sa quarterfinals ng Season 48 PBA Commissioner’s Cup matapos gibain ang sibak nang Blackwater, 106-89, kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tinapos ng Batang Pier ang two-game losing skid para iposte ang 6-4 record papasok sa eight-team quarterfinals habang bagsak ang Bossing sa pang-siyam na dikit na kamalasan para sa 1-9 baraha.
“Presently, we’re on the right track naman, we just need to win against Ginebra this coming Sunday to have a good position sa elimination,” ani coach Bonnie Tan.
Anim na players ang umiskor ng double figures sa pamumuno ng 20 points ni Joshua Munzon habang may 19 markers, 20 rebounds, 7 assists, 3 blocks at 2 steals si import Venky Jois.
Umiskor ang NorthPort ng 27 points sa second period para tangayin ang 45-35 halftime lead na kanilang pinalobo sa 80-56 mula sa three-point shot ni Rosales para iwanan ang Blackwater sa huling tatlong minuto ng third quarter.
Sa 39 points ng Batang Pier sa nasabing yugto ay 13 markers ang ambag ni Zamar.
Ang layup ni Jois sa huling 5:05 minuto ng fourth canto ang nagbaon sa Bossing sa 97-75.
Binanderahan ni guard Rey Suerte ang Blackwater, una at huling nanalo laban sa Converge, 103-84, noong Nobyembre 8, sa kanyang 20 points.
Samantala, puntirya ng Magnolia (9-1) ang top spot sa quarterfinals sa pagsagupa sa Meralco (6-2) ngayong alas-6:30 ng gabi sa University of San Agustin Gym sa Iloilo City.
Sasagupain ng Hotshots ang Bolts na ipaparada si bagong import Shonn Miller bilang kapalit ng may health issue na si Zach Lofton.
- Latest