Quizon paghahandaan ang sixth round
MANILA, Philippines — Tigil ang tagisan ng isip kahapon upang makapag iwang ng New Year ang mga tigasing woodpushers na kasali sa Philippine National Chess Championships “Battle of the Grandmasters” sa Marikina Community Convention Center.
Medyo mahaba ang pahinga kaya magkakaroon ng pagkakataon si IM Daniel Quizon na makapaghanda para mapanatili ang kanyang puwesto sa tuktok ng liderato.
Tangan ang 4.5 points, solo sa No. 1 ang 19-anyos na si Quizon kasunod si IM Jan Emmanuel Garcia na may 4.0 points sa event na may 14-player single round robin.
Nakipaghatian ng puntos ang pambato ng Dasmarinas, Cavite na si Quizon kay FM Mark Jay Bacojo sa round five upang lumapit sa asam na titulo.
Maliban sa puwesto para sa World Chess Olympiad ay hahamigin din ng magkakampeon ang P120,000 premyo sa torneo.
Makakaharap ni Quizon sa sixth round si FM Christian Gian Karlo Arca, habang makakalaban naman ni Garcia si IM Paulo Bersamina.
Kukubrahin ng second placer ang P70,000 at P50,000 para sa third finisher.
Ang top three finishers sa 13-round meet ang magiging pambato ng Pilipinas sa 45th World Chess na nakatakda sa Setyembre 10 hanggang 23 sa Budapest.
Sa Enero 3 ng alas-9 ng umaga ang bakbakan sa round 6, samantalang sa alas-4 ng hapon nakatakda ang Round 7.
- Latest






















