SBP simulan na ang programa — Chua
MANILA, Philippines — Kailangang magkaroon na ng konkretong programa ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ngayon pa lang para sa mga susunod na torneo tulad ng 2024 Paris Olympic Qualifying Tournament at 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers.
Ito ang mungkahi ni Alfrancis Chua na dapat maagang pag-usapan na ng SBP at ng PBA kasunod ng makasaysayang kampeonato ng Gilas Pilipinas sa Asian Games sa Hangzhou, China.
“Actually, nandoon pa lang kami sa China, I was telling people that we have to plan for it now,” ani Chua, nagsilbing team manager ng Gilas sa Asiad, sa press conference kahapon sa PBA Office sa Libis, Quezon City.
Sa pangunguna ni Chua, team governor ng Ginebra at sports director ng buong San Miguel Corporation, kasama si PBA Commissioner Willie Marcial bilang deputy team manager ay nabuo ng Gilas ang pambihirang koponan na minandohan ni head coach Tim Cone.
Sa trangko ni naturalized player Justin Brownlee ay wagi ang Gilas kontra sa Jordan sa finals, 70-60, upang masikwat ang unang gintong medalya matapos ang 61 taon.
Tampok din sa tagumpay ang 77-76 panalo sa host na China sa semifinals matapos maiwan sa hanggang 20-point deficit.
Pero hindi dapat doon magtapos ang misyon ng Pilipinas lalo’t nakalinya para sa bansa ang tsansang makabawi sa Asia Cup at makapasok sa Olympics sa pamamagitan ng mga qualifiers sa susunod na taon.
Bukod sa PBA, dapat ding makasama sa pagpaplano ang ibang basketball stakeholders ng bansa tulad ng UAAP at NCAA para sa isang national basketball summit.
Ito ay upang mailatag ang programa ng bawat isa na nakalinya sa mga torneo ng Gilas kasama na ang mga schedules ng kada liga, ayon kay SBP vice president Ricky Vargas ng TNT na chairman ng PBA Board of Governors.
- Latest