Gilas vs Iran sa quarter finals
MANILA, Philippines — Halos hindi na kinailangan ng Gilas Pilipinas si Justin Brownlee tungo sa higanteng 80-41 panalo kontra sa Qatar upang makapasok sa quarter finals ng 2023 Asian Games men’s basketball tournament kahapon sa Zhejiang University Zijingang Gymnasium.
Walong minuto lang pumarada si Brownlee sa first quarter pero nakapaglista pa rin ng 9 puntos at 5 rebounds para sa Gilas na mabilis bumalikwas matapos ang masaklap na 87-62 pagkatalo kontra sa Jordan.
Trumangko sa Nationals sina June Mar Fajardo at CJ Perez na may tig-12 puntos habang kumamada ng 11 puntos si Calvin Oftana sa napukol na 3 tres.
Solido ring ang suporta ni Japeth Aguilar na may 9 points habang nag-ambag din ng tig-8 puntos sina Kevin Alas at Ange Kouame.
At bagama’t wala pa halos pahinga, sasalang uli agad sa court ang Gilas sa quarterfinals kontra sa Iran ngayong alas-12 ng tanghali.
Halos dalawang araw ang pahinga ng Iran matapos walisin ang Group A hawak ang 3-0 kartada.
Nauwi pa kasi ang Gilas sa knockout qualification matapos matalo sa Jordan para sa No. 1 seed ng Group C sahog ang diretsong tiket sa quarterfinals.
Sa kabila nito, hindi pa rin nawalan ng pag-asa ang Nationals nang sumakay sa 33-14 ratsada sa first quarter kontra sa Qatar tungo sa kumbinsidong 39-point win.
- Latest