Blackwater umaasa kay Cariaso

MANILA, Philippines — Naniniwala ang Blackwater na maibabangon ni dating PBA star Jeffrey Cariaso ang Bossing mula sa malamyang kampanya sa 2023 PBA Governors’ Cup.
Opisyal na hihirangin ng Blackwater si Cariaso sa mga susunod na araw bilang bagong head coach kapalit ni Ariel Vanguardia.
Isang panalo lang ang nailista ng Bossing sa 11 asignatura sa kanilang pagsabak sa season-ending conference.
Si Vanguardia ang sumalo sa puwesto ni Nash Racela simula noong 2021.
Sa nakaraang Philippine Cup sa ilalim ni Vanguardia ay naipanalo ng Blackwater ang lima sa una nilang pitong laro bago nasibak ng San Miguel sa quarterfinals.
Iginiya ni Vanguardia ang Bossing sa 10-36 win-loss-record sa apat na komperensya.
Inaasahan namang gagamitin ni Cariaso ang kanyang formula sa paghawak sa Blackwater matapos giyahan ang Converge sa 5-6 baraha sa All-Filipino tournament hanggang mapatalsik ng TNT Tropang Giga sa quarterfinals.
Bukod kay Cariaso, ikinunsidera rin ng Blackwater bilang head coach si dating San Miguel at Barangay Ginebra mentor Siot Tanquingcen.
Ngunit hindi nito maiwan ang pagiging head of basketball operations ng National University.
Nauna nang hinawakan ng 50-anyos na eight-time champion player ang Alaska bago bilhin ng Converge ang prangkisa nito.
- Latest