Philippines bumuhat pa ng ginto sa World Youth
MANILA, Philippines — Muling humirit ng gintong medalya ang national junior weightlifting team sa International Weightlifting Federation (IWF) Youth Championships na ginaganap sa Durres, Albania.
Pinagharian ni Albert Ian Delos Santos ang men’s 61 kg. division kung saan bumuhat ito ng 110 kgs. sa snatch at 149 kgs. sa clean and jerk para sa kabuuang 259 kgs.
Malaki ang pasasalamat ni Delos Santos kay Olympic gold medalist Hidilyn Diaz na isa sa inspirasyon nito at tumutulong sa kanilang training.
“Hidilyn Diaz is an inspiration to us all, her victory gives us motivation, gives us hope,” ani Delos Santos.
Kabilang pa sa mga motibasyon ni Delos Santos ang kanyang mga magulang na parehong sumabak sa mga international tournaments noong kanilang kapanahunan.
“I was born into this sport because my mum and dad were both international weightlifters, and I was lucky enough to train with Hidilyn for the summer. She and her coach taught me about having the right mindset. They gave me their wisdom,” ani Delos Santos.
Tinalo ni Delos Santos si Perhat Bagtyyarov ng Turkmenistan na nagsumite ng 258 kgs. (total) mula sa 114 kgs. sa snatch at 144 kgs. sa clean and jerk para sa pilak na medalya.
Napasakamay naman ni K Brum ng Vietnam ang tanso matapos umiskor ng 255 kgs. (total) galing sa 113 kgs. sa snatch at 142 kgs sa clean and jerk.
Si Delos Santos ang ikalawang gold medalist sa torneo matapos mamayagpag si Prince Keil Delos Santos sa men’s 49-kg. division sa opening day ng torneo.
- Latest