Bucks sinuwag ang unang playoff spot
PHOENIX — Inagaw ng Milwaukee Bucks ang bentahe sa gitna ng fourth quarter para palubugin ang Suns, 116-104, at hablutin ang unang playoff berth sa Eastern Conference.
Kumamada si Giannis Antetokounmpo ng 36 points, 11 rebounds at 8 assists at nagdagdag si Brook Lopez ng 21 markers para sa Milwaukee (50-19) na naipanalo ang 21 sa kanilang huling 23 laro sa loob ng dalawang buwan.
Nahulog naman ang Phoenix (37-32) sa kanilang ikatlong sunod na talo.
Ang three-point shot ni Pat Connaughton sa 6:30 minuto ng fourth period ang nagbigay sa Bucks ng 100-97 kalamangan bilang bahagi ng kanilang inihulog na 24-9 bomba para talunin ang Suns.
Umiskor si Devin Booker ng 30 points sa panig ng home team habang may 19 points at 8 rebounds si Deandre Ayton.
Sa Portland, kumolekta si Immanuel Quickley ng 26 points at 10 rebounds sa 123-107 panalo ng New York Knicks (41-30) sa Trail Blazers (31-38).
Sa New Orleans, humakot si Anthony Davis ng 35 points at 17 rebounds sa 123-108 pagpapatumba ng Los Angeles Lakers (34-35) sa Pelicans (33-36).
Sa Toronto, humataw si Fred VanVleet ng 36 points para sa 125-110 pagpulutan ng Raptors (33-36) sa Denver Nuggets (46-23).
Sa Oklahoma City, tumipa si Shai Gilgeous-Alexander ng 35 points sa 121-107 pagdaig ng Thunder (34-35) sa Brooklyn Nets (39-30).
- Latest