Financial literacy program plano ng GAB
MANILA, Philippines — Plano ng Games and Amusements Board (GAB) na magkaroon ng isang financial literacy program ang mga Pinoy professional athletes.
Ito ay para matulungan silang gamitin ang mga premyong napapanalunan sa tama at magkaroon ng direksyon sa buhay matapos ang kanilang mga sports career.
“Isasaillim natin sa financial literacy program ang ating mga atleta para sa ganoon ay matutunan nilang maisaayos ang paghawak sa pera,” ani GAB chairman Richard Clarin sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ forum.
“Marami kasi sa kanila lalo na iyong mga boxers na kapag nakatiyempo ng maganda, kumita ng malaki, naku one-day millionaire ang pakiramdam,” dagdag nito.
Maraming pro boxers na naging world champions at nabigong mahawakan nang tama ang kanilang mga kinitang premyo.
Tiniyak ni Clarin na papangalagaan ng GAB ang interes ng mga apro athletes, lalo na ang mga boksingero na madalas naloloko kapag lumaban sa ibang bansa.
“The mandate of GAB is to promote professional sports, not just boxing, but all sports. Regardless if the sports is lucrative or not, trabaho po natin na mapangasiwaan nang tama at naaayon sa batas ang lahat ng pro sports tulad ng chess, billiards, at e-sports,” ani Clarin sa programang itinataguyod ng Philippine Sports Commission at Behrouz Persian Cuisine.
Nagbabala rin ang GAB chief sa mga promoters, matchmakers, managers o grupo na manloloko at mang-aabuso sa mga pro athletes.
“May kapangyarihan ang GAB na bawiin ang mga lisensya at talagang blacklisted sa atin iyang mga lalabag sa batas,” sabi ni Clarin.
“Kaya panawagan ko sa lahat, magsumbong kayo sa GAB kung kayo ang naloko, samantalahin ninyong abogado ang inyong chairman at paparusahan natin ang mga abusado,” dagdag ni Clarin na isang corporate lawyer.
- Latest