Mojdeh pinarangalan ni Mayor Biazon
MANILA, Philippines — Ginawaran ng pagkilala si Brent International School standout Micaela Jasmine Mojdeh sa inauguration ng Olympic-size indoor Muntinlupa Aquatics Center kahapon sa Brgy. Tunasan, Muntinlupa.
Pinangunahan ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon ang simpleng seremonya kung saan binigyan si Mojdeh ng Plaque of Appreciation dahil sa tagumpay niya sa iba’t ibang mga international tournaments.
“Open ang Aquatics Center para sa lahat ng mga swimming clubs na nagnanais magsanay dito but to this date ang SLP ang aming nakasundo rito at inihahanda na namin ang memorandum of agreement (MOA),” ani Biazon
Kasama ni Mojdeh si Swim League Philippines (SLP) chairman Joan Mojdeh sa programa.
Nakaabot si Mojdeh sa semifinals ng prestihiyosong FINA World Junior Championship na ginanap sa Lima, Peru.
Si Mojdeh ang ikalawang Pinoy swimmer na nakapasok sa semifinals ng nasabing world meet.
Humakot din si Mojdeh ng gintong medalya sa 10th Circle of Swimmers of Melun Val de Seine na ginanap sa Piscine de Melun swimming pool sa Melun, France noong Mayo.
Inaasahang hahakot pa ng mga gintong medalya si Mojdeh sa 2022 Southeast Asian (SEA) Age Group na idaraos naman sa Kuala Lumpur, Malaysia sa Disyembre 17 hanggang 19.
Maliban kay Mojdeh ay kinilala rin ang kontribusyon ng UAAP record-holder at gold medalist na si Chloe Isleta ng De La Salle University.
Si Isleta ang bukod tanging Pinoy swimmer na nakasikwat ng gintong medalya noong 2021 Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
- Latest