Eala umentra sa US Open semis
MANILA, Philippines — Muling naglatag ng malakas na laro si Alex Eala matapos ilampaso si 14th seed Mira Andreeva ng Russia sa pamamagitan ng 6-4, 6-0 demolisyon upang umusad sa semifinals ng US Open girls’ singles sa New York City.
Walang sinayang na sandali si Eala nang ilabas nito ang kanyang solidong laro para mabilis na pataubin ang kanyang Russian rival.
Umiskor si Eala ng dalawang aces habang nakakuha ito ng 68 porsiyentong efficiency sa first serve at 65 porsiyento sa second serve.
Limang break points ang naipanalo ni Eala habang may 56 accuracy ito sa receiving points.
Sa kabuuan, may 26 winners si Eala at 62 total points.
Natabunan nito ang 20 unforced errors na nagawa ng Pinay netter.
Muling hahataw si Eala sa semifinals kung saan makakasagupa nito si ninth seed Victoria Mboko ng Canada na naitakas ang 7-5, 6-2, 7-5 panalo laban kay fourth seed Celine Naef ng Switzerland sa hiwalay na quarterfinal match.
Masaya si Eala sa suportang ibinibigay sa kanya ng mga Pinoy fans sa Amerika na personal na nanood sa kanyang laro.
“Semis bound. Amazing atmosphere,” ani Eala sa kanyang post sa social media kung saan kasama nito ang Filipino community na todo ang suporta sa kanya.
Sa doubles, hindi na naglaro sina Eala at Andreeva sa second round dahilan upang magaan na umabante sa quarterfinals ang kanilang karibal na sina German tandem Carolina Kuhl at Ella Seidel.
- Latest