Grizzlies tumatag sa No. 2 spot sa West
MEMPHIS, Philippines — Umiskor si Desmond Bane ng 22 points, habang may tig-21 markers sina De’Anthony Melton at Dillon Brooks para sa 123-95 dominasyon ng Grizzlies sa Golden State Warriors.
Pinatibay ng Memphis (53-23) ang kapit sa No. 2 spot sa Western Conference sa ilalim ng NBA-leading Phoenix Suns (61-14) at sa itaas ng Golden State (48-28).
Ito ang pang-limang sunod na ratsada ng Grizzlies na sinamantala ang hindi paglalaro nina leading scorer Stephen Curry, Klay Thompson, Draymond Green at Otto Porter Jr. para sa Warriors.
Sa Miami, nagtala si Jimmy Butler ng 27 points at nag-ambag si Bam Adebayo ng 22 points at 15 rebounds sa 123-100 pagsunog ng Heat(48-28) sa Sacramento Kings (27-49).
Napasakamay ng Miami ang No. 1 spot sa Eastern Conference kasunod ang No. 2 Milwaukee Bucks (46-28), No. 3 Philadelphia 76ers (46-28) at No. 4 Boston Celtics (47-29).
Sa Charlotte, kumolekta si Nikola Jokic ng 26 points, 19 rebounds at 11 assists para sa kanyang ika-19 triple-double ngayong season sa 113-109 pagtakas ng Denver Nuggets (45-31) sa Hornets (39-37).
Sa New York, kumamada si RJ Barrett ng 28 points sa 109-104 pagdaig ng Knicks (34-42) sa Chicago Bulls (43-32).
- Latest