Morales lider pa rin; Mendoza sa Stage 3
MANILA, Philippines — Hindi natinag sa tuktok ng general classification si Jan Paul Morales ng Excellent Noodles matapos ang Stage 3 ng LBC Ronda Pilipinas 2022 na nagsimula sa Provincial Capitol ng Sorsogon at nagtapos sa Legaspi City.
Dumating sa meta na pang 17th ang 36-anyos na si Morales pero mananatili ang red jersey sa kanya bilang overall leader sa 10-Stage race papasok ng Stage 4 Legaspi-Daet ngayong araw.
Pinagwagian naman ng batang si Aidan Mendoza ng Go for Gold ang 163 km stage 3 nang makipagsabayan ito sa mga tigasing siklista tulad ni Morales.
Ayon kay two-time Ronda champion, Morales tutok at sunod lang sa mga kasabay upang mapangalagaan ang liderato sa karera na suportado ng LBC Express, Inc., MVP Sports Foundation, Quad X, Smart, Twin Cycle Gear, Standard Insurance, Print2Go, Elves Bicycles, Elitewheels, Orome, Maynilad, PhilHydro at Garmin.
Inamin ni Morales na mahirap hawakan ang overall pero nakahanda naman ito at kumpiyansa sa kanyang lakas.
“Mahirap, nakakaramdan na ako ng pagkapulikat kanina kaya sabay-sabay lang muna ako,” sabi ni Morales.
Nakalikom si Morales ng 5:31:59 sapat para manatili sa unahan ng GC habang inirehistro naman ng 22-anyos na si Mendoza ang tiyempong 4:00:20 upang masikwat ang kauna-unahang stage winner sa Ronda.
Tumawid na segundo at tersero sa meta sina Mervin Corpuz at Ryan Tugawin ng Excellent Noodles ayon sa pagkakasunod habang pumang-apat si Cris Joven ng Team Philippine Army.
- Latest