Slaughter gustong makapasok sa Gilas pool
MANILA, Philippines — Bukas na bukas ang pintuan ni Greg Slaughter upang maging bahagi ng Gilas Pilipinas pool na sasabak sa iba’t ibang international tournaments sa taong ito.
Mismong si Slaughter na ang nagpahayag ng interes nitong mapasama sa Gilas pool matapos magpost sa kanyang social media account.
Ayon kay Slaughter, nasa kundisyon ang pangangatawan nito dahil sumasailalim ito sa matinding ensayo kasama si NBA champion scout Gary Boyson.
“I am available and have been working with 16-year NBA champion scout Gary Boyson. I would love to be included in the national team pools,” ani Slaughter.
Bakanteng-bakante si Slaughter na napaso na ang kontrata sa NorthPort noong Enero 31 kung saan nagtala ito ng averages na 14.3 points, 9.3 rebounds at 1.3 blocks.
Kasalukuyang nasa free agency si Slaughter.
Kaya naman nais nitong muling magsuot ng Gilas Pilipinas jersey upang katawanin ang bansa sa international level.
Matatandaang bahagi si Slaughter ng national team na matagumpay na nadepensahan ang titulo sa SEA Games noong 2019 edisyon na ginanap sa Pilipinas.
- Latest