Dindin, Paat naka-bronze sa Thailand
MANILA, Philippines — Binuhat nina Dindin Santiago-Manabat at Mylene Paat ang Nakhon Ratchasima sa bronze medal finish sa Thailand Volleyball League.
Ito ay matapos pamunuan ng dalawang Pinay spikers ang Nakhon Ratchasima sa 25-18, 25-23, 21-25, 25-14 panalo laban sa Khonkaen Star kahapon sa Nimibutr Stadium sa Bangkok, Thailand.
Nakipag-sanib puwersa sina Santiago-Manabat at Paat kay Patcharaporn Sittisad matapos magpakawala ng matatalim na atake para masiguro ang podium finish sa torneo.
Sinubukang pumalag ng Khonkaen nang kunin nito ang third set.
Subalit hindi na nagpabaya pa ang Nakhon Ratchasima sa fourth set nang magpasabog sina Santiago-Manabat at Paat ng kaliwa’t kanang crosscourt hits.
Nagawang maitarak ng Nakhon Ratchasima ang 8-4 kalamangan na hindi nito binitawan hanggang sa tuluyang mapatumba ang Khonkaen.
Ito ang unang podium finish nina Santiago-Manabat at Paat sa isang international tournament bilang import.
Matatandaang hindi nakasikwat ng medalya si Santiago-Manabat nang maglaro ito bilang reinforcement sa Japan V.League.
Sa kabilang banda, ito ang first time ni Paat na maglaro bilang import sa international level.
- Latest