Dindin nasa Thailand na
MANILA, Philippines — Dumating na sa Thailand si wing spiker Dindin Santiago-Manabat para tulungan ang Nakhon Ratchasima sa kampanya nito sa Thailand Volleyball League.
Si Santiago-Manabat ang ikalawang Pinay import ng Nakhon Ratchasima matapos kunin ang serbisyo ni opposite hitter Mylene Paat noong Disyembre.
Isang mainit na pagtanggap ang sumalubong kay Santiago-Manabat sa pagdating nito sa Suvarnabhumi International Airport sa Bangkok.
“Welcome to Nakhon Ratchasima Ms. Aleona Denise Manabat,” ayon sa welcome party ng Nakhon Ratchasima.
Bilang bahagi ng safety and health protocols na ipinatutupad sa Thailand, sumalang agad sa swab test si Santiago-Manabat kung saan naghihintay ito ng resulta sa kanyang quarantine hotel sa Bangkok bago tuluyang makasama ang Nakhon Ratchasima squad.
Kung walang magiging aberya, masisilayan agad sa aksyon si Santiago-Manabat sa Sabado kung saan haharapin ng Nakhon Ratchasima ang Nakornnont sa Nimibutr Stadium.
Hindi naman na bago si Santiago-Manabat sa international scene dahil dalawang beses na ito naging import sa Japan V.League — para sa Toray noong 2018 at Kurobe noong 2019.
Mas lalong magiging madali ang adjustment ni Santiago-Manabat dahil nasa Nakhon Ratchasima rin si Paat na kasama nito sa national team at sa Chery Tiggo.
- Latest