Bucks tinapos ang ratsada ng Grizzlies
MILWAUKEE - Nagsalansan si Giannis Antetokounmpo ng 33 points, 15 rebounds at 7 assists para ihatid ang nagdedepensang Bucks sa 126-114 paggupo sa Memphis Grizzlies.
Tinapos ng Milwaukee (31-16) ang kanilang dalawang sunod na kabiguan para upuan ang No. 4 spot sa Eastern Conference at winakasan ang six-game road winning streak ng Memphis (31-16) na No. 3 sa Western Conference.
Inilista ng Bucks ang 14-point lead sa halftime bago nakalapit ang Grizzlies sa 111-114 agwat sa huling 2:32 minuto ng fourth quarter sa likod ni star guard Ja Morant.
Nagsalpak naman si George Hill ng dalawang free throws habang kumamada si Antetokounmpo ng sariling 6-0 atake para ilayong muli ang Milwaukee sa 122-111 bentahe.
Nag-ambag si Khris Middleton ng 27 points at may tig-14 at 13 markers sina Hill at Bobby Portis at Pat Connaughton, ayon sa pagkakasunod.
Sa Chicago, humataw si DeMar DeRozan ng 30 points para akayin ang East-leading Bulls (28-15) sa 117-104 pagsuwag sa Cleveland Cavaliers (27-19) at wakasan ang kanilang apat na sunod na kamalasan.
Sa Dallas, nagtala si Luka Doncic ng season-high 41 points at 14 rebounds sa 102-98 paggiba ng Mavericks (26-19) sa Toronto Raptors (21-21) para sa kanilang ikaapat na sunod na arangkada.
Sa Philadelphia, dinuplika ni Joel Embiid ang kanyang career high na 50 points sa 123-110 dominasyon ng 76ers (26-18) sa Orlando Magic (8-38)
Sa Miami, umiskor si reserve Caleb Martin ng 26 points para tulungan ang Heat (29-16) sa 104-92 panalo sa Portland Trail Blazers (18-26).
Sa iba pang laro, lusot ang Brooklyn Nets sa Washington Wizards, 119-118; dinaig ng Atlanta Hawks ang Minnesota Timberwolves, 134-122; wagi ang Houston Rockets sa Utah Jazz, 116-112; at tinalo ng Charlotte Hornets ang Boston Celtics, 111-102.
- Latest