Obbadi bagsak kay Bornea sa 3rd round
MANILA, Philippines — Desidido rin si dating national team mainstay Jade Bornea na maging world champion matapos itarak ang impresibong third-round knockout win kay Italian-Moroccan Mohammed Obbadi sa Monterrey, Mexico.
Hindi na nag-aksaya pa ng sandali si Bornea nang pakawalan nito ang solidong knockout punch upang mabilis na mapabagsak ang Italian-Moroccan pug.
Ang panalo ang nagbukas ng pintuan kay Bornea para sa posibleng world title fight kay reigning International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion Jerwin Ancajas.
Subalit pipila muna si Borneo.
Nakatakda munang harapin ni Ancajas si challenger Fernando Daniel Martinez ng Argentina sa Pebrero 5 sa Amerika.
Sa oras na matapos ang laban ni Ancajas, ikinakasa rin ang unification fight nito kay World Boxing Organizaton (WBO) super flyweight champion Kazuto Ioka matapos maudlot ang kanila sanang laban noong Disyembre 31 dahil sa pandemya.
Kasalukuyang hawak ni Bornea ang North American Boxing Federation (NABF) super flyweight belt.
Umaasa si Bornea na mabibigyan ito ng pagkakataon para makahirit ng isang world title fight.
At sa oras na matuloy ito, handa si Bornea na ibuhos ang kanyang buong lakas upang mapasama sa listahan ng mga Pinoy world champions.
“Gusto kong labanan si Jerwin dahil malaking pagkakataon ito para sa akin. Pero kung hindi naman matuloy, handa naman akong labanan kahit sinong iharap sa akin,” ani Bornea.
- Latest