Meralco umeskapo sa TNT Tropang Giga
MANILA, Philippines — Iginiya ni import Tony Bishop ang Meralco sa ikalawang sunod na ratsada matapos takasan ang TNT Tropang Giga, 83-80, para sumosyo sa ikatlong puwesto sa 2021 PBA Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Humakot ang Panamanian reinforcement ng 36 points, 17 rebounds at 3 assists para banderahan ang Bolts habang may 15 at 10 markers sina Chris Newsome at Allein Maliksi, ayon sa pagkakasunod.
“We wanna move the ball, we wanna keep everybody involved,” wika ni Bishop. “The guys make it easy for me. I just come in and do my job.”
Tumabla ang Meralco sa Magnolia sa ikatlong puwesto bitbit ang magkatulad na 2-0 record sa ilalim ng NLEX (4-0) at nagdedepensang Barangay Ginebra (3-0).
Matapos ang split ni Newsome para sa 83-80 bentahe ng Bolts sa huling 9.1 segundo ay nagmintis naman si Kelly Williams sa 3-point line sa panig ng Tropang Giga sa pagtunog ng final buzzer.
Nahulog ang baraha ng TNT sa 1-2.
Humataw si RR Pogoy ng 25 points at may 24 markers si rookie Mikey Williams para sa 2021 PBA Philippine Cup champions.
Samantala, pinatumba ng Alaska ang Blackwater, 98-75, para sa kanilang pangatlong panalo sa limang laban tampok ang 17, points, 8 rebounds, 2 assists at 2 steals ni Maverick Ahanmisi.
Inilaglag ng Aces ang Bossing sa PBA record na ika-24 sunod na kamalasan na nagsimula pa noong Oktubre ng nakaraang 2020 Philippine Cup sa Clark bubble.
“We try to make sure that it will not happen to us,” wika ni Alaska mentor Jeffrey Cariaso sa nasabing kamalasan ng Blackwater. “Just being ourselves and playing our A-game tonight.”
- Latest