Wizards ‘di bumitiw sa liderato ng east
ORLANDO — Hindi binitawan ng Washington Wizards ang paghawak sa No. 1 spot sa Eastern Conference matapos bugbugin ang Magic, 104-92, para dumiretso sa kanilang ikaapat na sunod na panalo.
Umiskor si guard Spencer Dinwiddie ng 23 points kasunod ang 20 markers ni bigman Montrezl Harrell para sa 9-3 record ng Wizards na huli nilang itinayo noong 2014-15 season.
Nag-ambag si Kyle Kuzma ng 17 points para sa Washington kasama ang tatlong triples sa third period nang makadikit ang Orlando sa 49-59 mula sa 37-50 halftime deficit.
May 22 points naman si Cole Anthony sa panig ng Magic (3-10) at kumolekta si Mo Bamba ng 14 points, 17 rebounds at 3 blocked shots.
Sa Salt Lake City, kumamada si guard Tyler Herro ng 27 points at 8 rebounds para tulungan ang Miami Heat (8-5) sa 111-105 pagsunog sa Utah Jazz (8-5) at wakasan ang kanilang tatlong sunod na kamalasan.
Nagsalpak si Duncan Robinson ng anim na three-pointers at tumapos na may season-high 22 points para sa Heat (8-5) na lumagay sa No. 5 spot sa East.
Sa Indianapolis, tumipa si Justin Holiday ng season-high 27 points para pamunuan ang Indiana Pacers (6-8) sa 118-113 pagdaig sa Joel Embiid-less na Philadelphia 76ers (8-6).
Sa Los Angeles, nag-lista si Paul George ng 23 points, 9 boards at 4 assists para tulungan ang Clippers (8-4) sa 129-102 pagdomina sa Minnesota Timberwolves (4-8) tungo sa kanilang ikapitong sunod na panalo.
Sa New Orleans, nagtala si Nickeil Alexander-Walker ng 21 points kasunod ang 19 markers ni Brandon Ingram para sa 112-101 pananaig ng Pelicans (2-12) sa Memphis Grizzlies (6-7).
Sa Toronto, humugot si Jerami Grant ng 14 sa kanyang 24 points sa fourth quarter sa 127-121 paggiba ng Detroit Pistons (3-9) sa Raptors (7-7).
Sa Cleveland, nagsalpak si Darius Garland ng dalawang free throws sa huling 9.4 segundo para igiya ang Cavaliers (9-5) sa 91-89 pagtakas sa Boston Celtics (6-7).
- Latest