UD win nasikwat ni Sultan
Puerto Rican boxer nadungisan
MANILA, Philippines — Inilatag ni Pinoy boxing champion Jonas Sultan ang impresibong kamada nito upang pataubin si Puerto Rican Carlos Caraballo via unanimous decision win kahapon sa kanilang 10-round bantamweight fight sa Hulu Theater sa Madison Square Garden sa New York City.
Mas lalong tumikas ang rekord ni Sultan sa 18-5 tampok ang 11 knockouts.
Nadumihan naman ang baraha ni Caraballo dahil ito ang unang pagkakataon na lumasap ito ng kabiguan para malaglag sa 14-1 marka.
Hindi rin umubra ang lakas ni Caraballo kay Sultan sa kabila ng pagiging knockout king ng una dahil lahat ng 14 panalo nito ay galing sa KO.
Dahil sa panalo, inaasahang lalakas ang tansa ni Sultan na makakuha ng world title fights sa kanyang mga susunod na laban.
Armado ng matatalim ng kumbinasyon at solidong suntok, apat na beses napatumba ni Sultan ang Puerto Rican pug para matamis na kunin ang panalo.
Pare-parehong nagtala ng 94-93 iskor ang tatlong huradong sina Kevin Morgan, Tony Paolillo at Waleska Roldan pabor sa Pinoy pug.
Sa apat na beses na napatumba ni Sultan si Caraballo, pinakamatindi ang pinatamang suntok ng Pinoy boxer sa fourth round dahilan upang mahilo ng bahagya ang karibal nito.
Muling naglunsad ng solidong atake si Sultan sa ninth round para makuha ang boto ng mga hurado.
“Sobrang thankful ako nakuha ko ang panalo. Yung pagod ko sa training nagbunga,”ani Sultan.
- Latest