Pacio world champion pa rin
MANILA, Philippines — Matagumpay na naipagtanggol ni Pinoy fighter Joshua Pacio ang kanyang ONE Strawweight World Championship belt matapos ma-knockout si Japanese Yosuke Saruta sa first round sa ONE: Revolution na ginanap sa Singapore Indoor Stadium.
Matagal-tagal ding nabakante si Pacio matapos tamaan ng coronavirus disease noong Marso.
Subalit hindi nakitaan ng pangangalawang si Pacio nang ilatag nito ang kanyang buong puwersa para mabilis na mapataob ang Japanese fighter.
Isang solidong suntok ang tumama kay Saruta dahilan para mapatumba ito.
Hindi na pinakawalan pa ni Pacio ang Japanese bet nang paliguan niya ito ng suntok upang ipatigil na ng referee ang laban may 1:12 pang nalalabi sa first round.
Masaya si Pacio na nakabalik ito sa matikas na porma sa kabila ng 20 buwan na pagkakatengga.
“I’ve been out for one year and eight months and it’s been hard. But I’m ready and I’m here to stay as champion,” ani Pacio.
Tinapos ni Pacio ang tinaguriang trilogy nito kay Saruta tangan ang 2-1 rekord.
Unang nagharap sina Pacio at Saruta noong Enero ng 2019 nang manalo ang Japanese bet sa ONE: Eternal Glory.
Nakabawi si Pacio nang manaig ito noong Abril ng parehong taon sa ONE: Roots of Honor bago muling makuha ang panalo ngayong 2021.
Umangat ang rekord ni Pacio sa 20-3 habang bagsak sa 21-10-3 win-loss-draw si Saruta.
Sa kabilang banda, wagi rin si Lito Adiwang kontra naman kay Chinese Hexigetu via unanimous decision.
Gumanda ang marka ni Adiwang sa 13-3 rekord samantalang nahulog si Hexigetu sa 9-5 win-loss card.
- Latest