Bejino target ang unang Paralympic gold ng Pinas
MANILA, Philippines — May apat na tsansa si national para swimmer Gary Bejino para makamit ang kauna-unahang gold medal ng Pilipinas sa Paralympic Games sa Tokyo, Japan.
Sisimulan ni Bejino ang kanyang kampanya sa heats ng men’s 200-meter individual medley SM6 sa Huwebes ng alas-8:26 ng umaga sa Tokyo Aquatics Center.
Sa alas-3:30 ng hapon naman sasabak sa aksyon si para powerlifter Achelle Guion sa women’s -45 kilogram division sa Tokyo International Forum.
Sa naturang venue tinapos ni Hidilyn Diaz ang 97-taong paghihintay ng Pilipinas para sa kauna-unahang Olympic gold nang manalo sa women’s 55-kg class sa Tokyo Games noong nakaraang buwan.
Lalangoy din ang 25-anyos na si Bejino, kumolekta ng isang silver at dalawang bronze medals noong 2018 Asian Para Games sa Indonesia, sa men’s 50m butterfly S6 sa Agosto 30, 400m freestyle S6 sa Setyembre 2 at sa 100m backstroke S6 sa Setyembre 3.
Kamakalawa ay inihayag ni Philippine Paralympic Committee (PPC) president Mike Barredo na isa sa six-man national delegation ang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19).
Hindi pinangalanan ni Barredo ang nasabing para athlete kagaya ng ilang opisyales at coaches na kaagad ipinasok sa isolation at hindi na nakasama sa biyahe ng koponan patungong Tokyo.
Sinabi nina Philippine Sports Commission (PSC) National Training Director at Chief of Staff Marc Velasco at team physician at COVID liaison officer Dra. Janis de Vera na hindi nila pababayaan ang delegasyon.
- Latest