Carlo ayaw pa magpaalam, pasok sa finals
Marcial nakuntento sa Bronze
TOKYO - Sa papalapit na pagtatapos ng Tokyo Games ay hindi pa rin maggu-goodbye si Carlo Paalam.
At sa halip ay lalaban pa siya para sa gold medal.
Ito ay matapos bugbugin ni Paalam si Japanese rising star Ryomei Tanaka via unanimous decision para umabante sa men’s flyweight finals ng boxing competitions kahapon sa Kokugikan Arena.
“Idinaan ko sa bilis at ginawa ko kung ano talaga ‘yung laro ko,” sabi ni Paalam para mailagan ang mga suntok ni Tanaka.
Inamin din ng Pinoy fighter na muntik na siyang bumagsak sa second round matapos makatikim ng solidong suntok sa Japanese.
“Natamaan ako ng malakas, nahilo at napadasal sa Panginoong Diyos. Napahawak ako sa paa niya,” ani Paalam.
Ang 23-anyos na tubong Cagayan de Oro City ang ikaapat na Philippine boxer na nakarating sa Olympic finals matapos sina Anthony Villanueva, Mansueto “Onyok” Velasco Jr. at Nesthy Petecio.
Nakatiyak na ng silver medal, hangad ni Paalam na matumbasan ang pagbuhat ni weightlifter Hidilyn Diaz sa Olympic gold.
Lalabanan ni Paalam sa finals si Great Britain fighter Galal Yafai.
“Hinihiling ko po ngayon sa mga kapwa ko Filipino na ipagdasal ako. Gagawin ko ang best ko, kasi hindi ko naman hawak ‘yung desisyon, tsaka ‘yung kalaban ko magaling din. Tiwala lang sa sarili. At sana ibigay sa atin ng Panginoon,” ani Paalam.
Kung sinuwerte si Paalam na makapasok sa finals ay minalas naman si middleweight Eumir Felix Marcial sa kanyang semifinal bout.
Natalo si Marcial kay Ukranian Oleksandr Khyzhniak via split decision para makuntento sa bronze medal.
“Naubusan ako ng hangin,” wika ng 25-anyos na si Marcial kay Khyzhniak na hindi pa natatalo sa kanyang 60 fights.
Si Marcial ang nauna nang ikinunsiderang makakakuha ng Olympic gold bukod kay weightlifter Hidilyn Diaz.
Samantala, nangulelat naman sina Pinay bets Bianca Pagdanganan at Yuka Saso sa round two ng women’s golf competition sa Kasumigaseki Country Club.
Pumalo si Pagdanganan ng isang even-par 71 na naghulog sa kanya sa pang-27 habang naglista si Saso, ang 2021 US Women’s Open champion, ng three-under 68 matapos ang 36 holes.
Kung gagawing 54 holes ng Tokyo organizers ang four-round tournament bilang paghahanda sa parating na super bagyo ay wala nang tsansa sa medalya sina Pagdanganan at Saso.
- Latest