Gomez pasok sa Last 64
World Pool Championship
MANILA, Philippines —Nalusutan ni Roberto Gomez ang matinding hamon ni Albin Ouschan ng Austria, 9-7, upang umabante sa Round-of-64 ng prestihiyosong World Pool Championship sa Marshall Arena, Milton Keynes.
Mainit ang ratsada ni Gomez nang itarak nito ang 8-0 kalamangan.
Subalit sinamantala ni Ouschan ang ilang mintis ng Pinoy cue master upang unti-unting makalapit.
Nagawang makadikit ni Ouschan sa 7-8.
Subalit iyon na lamang ang nakayanan ng Austrian bet nang muling magbalik ang tikas ni Gomez para kunin ang panalo.
Nakaabang pa si Gomez sa kanyang susunod na kalaban.
Hindi naman pinalad si Jeffrey De Luna nang yumuko ito kay Dimitri Jungo ng Switzerland, 5-9 para mahulog sa losers’ bracket.
Kailangang maipanalo ni De Luna ang lahat ng nalalabing laro nito dahil ipinatutupad ang double-elimination format sa torneo.
Makakaharap ni De Luna sa one-loss side si Jasmin Ouschan ng Austria na natalo naman kay Konrad Juszcyszyn ng Poland sa hiwalay na laban.
Nakalaan ang $250,000 kabuuang premyo kung saan magbubulsa ng $50,000 ang magkakampeon habang $25,000 naman sa runner-up.
- Latest