Bakit ako nag-tryout?
Ikaapat na pagkakataon ko na itong makakasama sa SEA Games at ito na rin ang aking huli.
Maraming nagsasabi na hindi ako karapat-dapat na mapasama sa National Team dahil mas deserving ang iba. Ilang beses na rin akong nakabasa ng mga komentong nagpapahayag na bumaba na ako at ibigay ang slot sa mga paborito nilang manlalaro. Paulit-ulit akong pinagtatawanan at winawalanghiya sa social media dahil wala raw akong ibubuga sa international competitions. Samu’t saring posts tungkol sa akin ang lumabas bago nagsimula ang tryout at tinatanong ang madla kung ano ang opinyon nila, dapat pa raw ba akong magtryout o hindi na?
Tao lang ako. Siyempre nasaktan ako, pero saglit ko lang dinamdam yung sakit. Bakit? Dahil napagtanto ko na walang sinuman ang dapat na magdikta sa akin kung ano ang dapat kong gawin at kung ano lang ang kaya kong gawin. Kilala ko ang sarili ko, alam ko kung ano ang kaya ko at hindi. Buong pandemik hindi ako huminto sa pagpapakundisyon at paghahanda. Lahat ng ginagawa kong pagpapalakas ng katawan ngayon ay inilalaan ko para sa muling pagbabalik at wala akong balak na itapon lang yun sa wala. Bilang propesyunal na atleta, trabaho namin na makundisyon ang katawan namin sa araw-araw na ensayo. Kaya nag-tryout ako sa Philippine National Team dahil alam kong kaya ko pa. Tanging opinyon lang ng mga batikang coach ang mahalaga para sa akin dahil sila lang ang makakapagsabi kung kailangan pa ba ako ng national team o hindi na.
Ngayon malinaw sa akin ang papel ko sa team na maging lider. Naniniwala ako na hindi dapat laging scorer ang isang lider, marami pang functions ang isang lider. Ang lider ay maaaring gumabay sa team at mag-organisa ng lahat upang makatulong na makamit ang pag-unlad ng koponan.
Gabayan nawa ako ng Diyos na ma-lead ang team na ito para sa inaasam naming magandang resulta ng Philippine Volleyball.
- Latest