Rookie applicants lumolobo na
MANILA, Philippines — Matapos magbukas ang aplikasyon noong Lunes, kaliwa’t kanang pangalan na ang nagsulputan na sasalang sa PBA Annual Rookie Draft na idaraos sa Marso.
Ilang kilalang pangalan na ang nadagdag sa listahan kabilang na sina Anton Asistio ng Ateneo de Manila University at Joshua Torralba ng De La Salle University.
Nagkumpirma na rin ng aplikasyon ang dalawa pang La Salle products na sina Jamie Malonzo at James Laput gayundin si dating University of the East standout Philip Manalang.
Makikita rin sa listahan sina Jordan Heading, Andrei Caracut at Tzaddy Rangel na bahagi ng Alab Pilipinas na sumalang sa Asean Basketball League.
Kung pasok na ang iba, namomroblema ang ibang players na may problema pa sa kani-kanyang papeles.
Kabilang na rito sina Jason Brickman, Jeremiah Gray at Brandon Rosser na napaulat na nag-aayos pa ng dokumento para maging eligible sa rookie draft.
May hawak nang Philippine passports ang tatlo.
Subalit kailangan pa ng mga ito ng mga dokumento mula sa Bureau of Immigration Certificate of Recognition at Department of Justice Affirmation.
May hanggang Enero 27 pa ito para makumpleto ang requirements at maipormalisa ang kanilang pangalan sa listahan ng mga kasali sa rookie draft.
- Latest