Bagunas gigil nang humataw sa Japan
MANILA, Philippines — Gigil nang sumabak si national team outside hitter Bryan Bagunas para sa Oita Miyoshi Weisse Adler sa ginaganap na 2020 season V. League tournament sa Japan.
Sumasailalim pa sa 14-day quarantine si Bagunas na isa sa requirements ng gobyerno ng Japan gayundin ng mga tournament organizers bago makapaglaro sa liga.
Dumating sa Japan si Bagunas noong Oktubre 7 kung saan matatapos ang kanyang quarantine period sa Miyerkules.
Inaasahang sa Oktubre 31 pa makapaglalaro si Bagunas kasama ang Oita Miyoshi. Hindi nasilayan sa aksyon ang 6-foot-2 Pinoy spiker sa unang laro ng Oita Miyoshi.
Naramdaman ng husto ang pagkawala ni Bagunas matapos lumasap ang Oita Miyoshi ng 13-25, 20-25, 19-25 kabiguan sa JT Thunder.
Sa kabilang banda, nangangapa pa si 6-foot-5 Jaja Santiago sa Ageo Medics sa Japan V.League women’s division.
Panibagong adjustment para kay Santiago ang pagpasok ng bagong setter ng Ageo Medics dahilan upang hindi pa masyadong maging mainit ang chemistry ng koponan partikular na sa krusyal na posisyon bilang middle hitter ng Pinay volleybelle.
Gayunpaman, matapos ang sunud-sunod na talo, nakakuha na ng panalo ang Ageo Medics nang talunin nito ang Kurobe Aquafairies sa iskor na 23-25, 25-23, 25-23, 25-23.
- Latest