Allowance ng athletes at coaches pasok sa Bayanihan 2
MANILA, Philippines — Muling masisilayan ang ngiti sa labi ng mga atleta at coaches dahil ibabalik na ang full allowance ng mga ito sa oras na maikasa ang Bayahinan 2.
Ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) president Bambol Tolentino, kasama sa naturang panukala ang budget para ibalik sa 100 porsiyento ang monthly allowance ng national athletes at coaches.
Magugunitang tinagpas ng Philippine Sports Commission (PSC) ang monthly allowances ng mga athletes at coaches sa 50 porsiyento bilang bahagi ng cost cutting ng ahensiya.
Tatakbo ito mula Hunyo hanggang Disyembre ngunit tiniyak naman ng PSC na maibabalik ito sa normal sa oras na makakuha ng pondo ang sports agency.
Sa aprubadong Bayanihan 2 ng House of Representatives, ibibigay sa national athletes ang 50 porsiyentong nawala sa mga atleta kaya’t muli itong magiging 100 porsiyento sa oras na maisabatas na ito.
Hihintayin na lamang ang pagsang-ayon ng Senado upang pormal na itong maipatupad.
Naipasok ang naturang panukala para sa mga atleta at coaches sa tulong ni House Speaker Alan Peter Cayetano.
Maliban sa pagbabalik sa allowance, bibigyan din ang mga ito ng karagdagang P5,000 COVID assistance para sa mga atleta.
Tiwala si Tolentino na sasang-ayunan ito ng Senado dahil nakipagpulong na ito kay Senate President Tito Sotto.
May mga kaalyado ang national athletes sa Senado gaya nina eight-division world champion Manny Pacquiao at Senator Bong Go na isa tagapagtanggol ng mga atleta.
Si Go ang kumalampag sa PSC nang matuklasan nitong delayed ang allo-wances ng mga atleta at coaches.
Agad naman itong inaksiyunan ng pamunuan ng PSC.
- Latest