Bernaldez sunod na sasalang sa Las Vegas
Susundan ang yapak ni Plania
MANILA, Philippines — Isa pang Pinoy boxer sa ngalan ni super-featherweight Mark Bernaldez ang kakaliskisan sa pagsabak nito kay undefeated American fighter Albert Bell sa susunod na linggo sa Las Vegas, Nevada.
Magtatagpo sina Bernaldez at Bell sa catchweight na 132 pounds sa Hulyo 2 sa isang eight-round, closed-door event sa MGM Grand Conference Center.
Umaasa si Bernaldez na masundan ang impresibong panalo ni Mike Plania noong nakaraang linggo laban kay World Boxing Organization (WBO) ranked No. 1 Joshua Greer.
Gaya ni Plania, itinuturing din na underdog si Bernaldez.
Ngunit handa itong ibuhos ang lahat ng itinatago nitong lakas upang pataubin ang American pug.
Aminado si Bernaldez na ito ang pinakamalaking laban na kanyang haharapin kaya’t walang puwang ang anumang pagkakamali.
Alam ng Pinoy bet na kung mananalo ito, magbubukas ang malalaki at magagandang oportunidad sa kanyang boxing career.
“Magandang stepping-stone ito para sa bigger fights in the future. Alam kong underdog ako rito pero gagawin ko ang lahat para makuha ko ‘yung panalo,” ani Bernaldez.
Tangan ni Bernaldez ang 20-3 rekord kabilang ang 14 knockouts.
Sa kabilang banda, hindi pa nakakaranas ng kabiguan si Bell sa kanyang boxing career.
Subalit hindi impresibo ang huling tatlong laban nito noong nakaraang taon.
Tinalo ni Bell sina Frank De Alba, Andy Vences at Edward Kakembo — lahat via unanimous decision.
- Latest