Marcial, ABAP officials mag-uusap na
MANILA, Philippines — Nakatakdang makipagpulong si Tokyo Olympics-bound Eumir Felix Marcial sa pamunuan ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) anumang araw ngayong linggo upang plantsahin ang mga isyung naglabasan sa mga nakalipas na buwan.
Una nang tatalakayin ang planong pagpasok ng AIBA Men’s World Championship silver medalist na si Marcial sa professional boxing.
Tumugon si Marcial sa naunang kahilingan ni ABAP president Ricky Vargas na makipag-usap muna ang Pinoy pug sa asosasyon bago magdesisyon sa kanyang ‘professional boxing’ plan.
Ilang eksperto na ang kinausap ni Marcial upang maliwanagan sa iba’t ibang bagay kabilang na ang pagdulog kung makaaapekto ang tangkang pagpasok sa pro sa kanyang Olympic bid.
Malinaw na maaari pa ring makapaglaro sa Olympics si Marcial kung magpasya man itong pumasok sa professional boxing dahil pinahihintulutan ng International Olympic Committee ang mga pro boxers na sumabak sa Olympics.
“Magandang pagkakataon ito para maliwanagan ang lahat sa mga issues at para magkaroon na rin ng plano,” ani Marcial na three-time Southeast Asian Games gold medalist.
Kinuha rin ni Marcial ang opinyon ni archery chief Atty. Clint Aranas para madagdagan ang kaalam nito sa usaping legal sa buwis. Si Aranas ay dating Bureau of Internal Revenue deputy commissioner at Government Service Insurance System president.
Nilinaw ni Marcial na hindi nawawala ang respeto at pagkilala nito sa ABAP na humubog sa kanyang kakayahan bilang boksingero.
“Mataas ang respeto ko po sa pamunuan ng ABAP dahil pamilya ko ang ABAP,” ani Marcial.
Nananatiling nakatuon si Marcial sa kanyang tangkang masungkit ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympic Games.
“Noong una pa lang, maliwanag naman ang stand ko na gusto kong bigyan ng gintong medalya ang Pilipinas. Pangarap ko yun at pangarap ng buong bansa. Kaya nagsisikap ako sa training para maabot ko ang pangarap na yun,” ani Marcial.
Nakasikwat ng tiket sa Olympics si Marcial matapos pagharian ang 2020 Asia-Oceania Olympic Qualifying Tournament noong Marso.
Ngunit nagulantang ang lahat nang maglabasan ang ilang ulat na may mga boxing promotions na nag-aalok kay Marcial na pumasok sa professional boxing.
Nauna nang napaulat na tatanggap si Marcial ng P10 milyon o higit pa sa oras na pumirma ito ng kontrata.
Kaya naman pinag-aaralan ni Marcial kung kakagatin ito o mananatili muna bilang amateur boxer hanggang sa matapos ang Olympics.
- Latest