Perez-Adams tandem ibabandera ng Dyip
MANILA, Philippines — Isang solidong backcourt tandem ang ipaparada ng Columbian sakaling ibalik ang 45th Season ng Philippine Basketball Association.
Ipapareha ng Dyip kay 2019 PBA Rookie of the Year CJ Perez si top rookie pick Roosevelt Adams para palakasin ang kanilang kampanya sa PBA season na nadiskaril matapos ipatupad ang Enhanced Community Quarantine bunga ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Naging miyembro si Adams ng Mighty Sports team na nagwalis sa kanilang mga laro patungo sa pagkopo sa 2019 Jones Cup crown sa Taipei.
Nakasama ni Adams sa koponan sina Andray Blatche at Renaldo Balkman at tumipa ng mga averages na 6.0 points at 3.1 rebounds per game.
“All-around player daw, makakatulong sa opensa at depensa. Kaya excited ako talagang makita siya in his PBA debut na na-delay ng COVID pandemic,” ani Columbian top official Bobby Rosales.
Dalawang taon naglaro ang Fil-Am small forward para sa Mount San Jacinto junior college varsity team bago sumalang para sa College of Idaho, isang NAIA Division 2 school.
Ang 6-foot-5 na tubong Yuma, Arizona ay humataw ng mga averages na 8.9 points at 7.4 rebounds para sa Idaho squad noong 2016-17 at 13.1 points at 6.3 rebounds noong 2017-18.
Kumpiyansa si Dyip head coach Johnedel Cardel na magiging matindi ang tambalan nina Perez at Adams.
Nagpasabog si Perez ng average na 20.8 points sa 33 games sa una niyang PBA season.
- Latest