SMB-Alab Pilipinas giba uli sa KL Dragons
MANILA, Philippines — Muling yumuko ang San Miguel-Alab Pilipinas sa Kuala Lumpur Dragons, 80-92, sa pagpapatuloy ng 10th Asean Basketball League elimination round sa MABA Stadium sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Hindi nakasama ang 6’5 Ginebra resident import na si Justin Brownlee sa flight ng koponan papunta sa Kuala Lumpur noong Lunes kaya dalawang world imports lamang ang naglaro para sa tropa ni head coach Jimmy Alapag dahil pinalitan na si Prince Williams.
Inaasahang maglalaro na ang 31-anyos na si Brownlee sa laro ng Alab Pilipinas kontra sa Saigon Heat sa Linggo sa Sta. Rosa Multi-Purpose Sports Complex sa Sta. Rosa, Laguna.
Tanging sina import Nick King lamang ang tumapos ng double-digits sa kanyang 28 puntos, anim na rebounds at isang assist habang 26 puntos, anim na rebounds, isang assist at isang steal mula sa Fil-Australian na si Jordan Heading.
Ang 7’5 Maltese na si Sam Deguara na muling nagkaroon ng maagang foul trouble ay tumipak lamang ng 4 puntos, walong rebounds at isang assist at anim na puntos mula kay Lawrence Domingo.
Malamig din ang kamay ni Jason Brickman 2-of-6 field goal shooting kaya umiskor lamang ito ng apat na puntos sa mahigit 36 minuto na paglalaro. Nagposte din ang Fil-Am na si Brickman ng siyam na assists at dalawang rebounds.
Bagama’t nabigo, nanatili pa rin ang Alab Pilipinas sa ikalawang puwesto sa 9-6 win-loss kartada sa likuran ng solo leader Thailand Mono Vampire na tangan ang 12-4 slate.
Ang KL Dragons ay umangat sa ika-apat na puwesto sa 8-7 card sa likuran ng third running Formosa Dreamers na hawak ang 8-6 record.
- Latest