Lady Altas ginulat ang Lady Pirates
MANILA, Philippines — Dumaan muna sa butas ng karayom ang University of Perpetual Help System Dalta bago ilusot ang pahirapang 25-27, 25-23, 26-24, 14-25, 17-15 panalo laban sa Lyceum of the Philippines University upang makopo ang solong ikaapat na puwesto sa NCAA Season 95 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Muling umariba si Jhona Rosal nang pakawalan nito ang 20 puntos kabilang ang 16 receptions at 10 digs para sa Lady Altas nasungkit ang ikalawang sunod na panalo para umangat sa 2-1 marka.
Naasahan din si veteran outside hitter Bianca Tripoli na bumira naman ng 19 hits habang nagdagdag si Jenny Gaviola ng 10 puntos at 13 excellent sets.
“Pag fifth set talaga mental toughness na ang labanan. Yung skills gagamitin sa tama pero ‘yung utak talaga ang mangingibabaw pagdating sa fifth set,” ani Perpetual Help mentor Macky Carino.
Nasayang ang pinaghirapang tig-15 puntos nina Ciarnelle Wanta, Alexandra Rafael at Mary Joy Onofre para sa Lady Pirates na tuluyang nalugmok sa 0-3 marka.
Sa ikalawang laro, mabilis na inilampaso ng San Beda University ang San Sebastian College-Recoletos, 25-13, 25-9, 25-21, nanatiling malinis ang record nito sa dalawang laro.
Sumosyo ang San Beda sa No. 2 spot kasama ang nagdedepensang Arellano University na may parehong 2-0 marka habang nangunguna ang College of Saint Benilde na may matikas na 3-0 kartada.
Sa men’s division, pinataob ng reigning champion Perpetual Help ang Lyceum, 25-22, 33-31, 25-20, tungo sa matikas na 3-0 baraha na lubos na nagpatatag sa Las Piñas-based squad sa solong pamumuno.
Wala pa ring panalo ang Pirates sa tatlong pagsalang.
- Latest