Gozum nilisan na ang UP
MANILA, Philippines — Hindi na masisilayan si slotman Will Gozum sa UAAP suot ang Fighting Maroons jersey.
Ito ay matapos magdesisyon si Gozum na lisanin na ang University of the Philippines matapos ang dalawang taong pananatili sa kampo ng Katipunan-based squad.
Pormal nang ipinaalam ng 6-foot-7 player ang kanyang desisyon kay Fighting Maroons head coach Bo Perasol.
Nagpasalamat si Gozum sa buong UP community sa mainit na pagtanggap sa kanya at sa suportang ibinigay ng unibersidad sa buong panahon ng pananatili nito sa koponan.
“Sobrang thankful ako sa UP sa support nila lalo na sa UP community na talagang sobra ang suporta sa mga games namin, manalo man o matalo,” ani Gozum.
Bago magtungo sa UP, dala ni Gozum ang kanyang Most Valuable Player award sa NCAA Season 93 tournament matapos tulungan ang Malayan High School of Science (Mapua) na makuha ang kampeonato.
Ngunit hindi gaya sa Mapua na isa ito sa pangunahing pinagkukunan ng lakas ng Red Robins, madalang masilayan sa aksiyon si Gozum sa UP.
Sa kanyang unang taon sa Fighting Maroons, mayroon lamang itong nakolektang 16 puntos at 12 rebounds sa kabuuan.
Binigyan lamang si Gozum ng 4.2 minuto kada laro.
Mas lalo pang bumaba ang playing time ni Gozum sa kanyang second year.
Naglaro lamang ito ng tatlong beses na may kabuuang halos pitong minuto.
Nilinaw ni Gozum na wala pa itong lilipatang koponan.
Maugong na ang usap-usapang isa sa University of Santo Tomas at National University ang posibleng lipatan nito.
- Latest