Save Philippine Volleyball
Simula pa lang ng taon ay may makabagong pasabog na balita na kaagad ukol sa Philippine Volleyball team ng bansa.
Noong nakaraang Linggo lang, ika-5 ng Enero, ay ibinalitang aktibo na muli ang Philippine Volleybal Federation (PVF) matapos ang limang taong pagkawala nito ngunit hindi pa rin ito recognized ng Philippine Olympic Comitte (POC) kaya naman wala pa rin kapangyarihan ang PVF na magpadala ng national team sa ibang kontinental na torneo.
Sinulit ko ang holidays kasama ng mga taong malalapit sa puso ko, malayo sa siyudad at iwas sa social media.
Ngunit laking gulat ko nang buksan ko ang aking social media dahil sa dami ng volleyball fans na nagsasabi sa aking magsalita ako ukol sa isyu.
Tinatag kaming mga manlalaro ng #SavePhilippineVolleyball dahil kung hindi magkakaroon ng magandang komunikasyon ang PVF at POC, maaaring hindi makalaro ang national team ngayong taon sa lahat ng nakailalim sa jurisdiction ng Asian Volleyball Confederation (AVC).
Limang taon nawalan ng kapangyarihan ang PVF na mag-manage ng volleyball national team ngunit kumpirmado na itong maging governing body ngayon ayon sa International Volleyball Federation (FIVB).
Hanggang Enero 15, 2020 lang ang deadline ng POC para ma-reinstate ang PVF at kung hindi ito matutupad bago ang deadline, maaaring ma-disqualify ang national teams na lalahok sa lahat ng AVC tournaments ngayong 2020.
Kaya naman patuloy ang battle cry namin na ipaglaban ang nararapat para sa volleyball national team.
Ang sa akin lang, napakatagal ng isyu ito.
Maging kaming mga manlalaro ng volleyball ay litung-lito na kung sino ba talaga ang governing body na dapat nakapuwesto upang magpatakbo sa amin.
Napakateknikal ng mga argumento kaya wala kaming malinaw na kaalaman.
Ang magagawa lang namin siguro ngayon ay manawagan na ayusin ng mga tamang tao ang sitwasyong ito, iyong mga may kapangyarihan na ayusin ang Philippine volleyball.
Hiling namin na simulan na ngayon ang pagbabago para sa ikabubuti ng future volleyball national athletes.
Ma-unify ang mga nagkawatak-watak na leaders dahil kung hindi magtutulungan ay hindi na rin namin alam kung saan kami patungo. Saan mapupunta ang magagandang oportunidad na dapat sana ay matatamasa namin sa hinaharap.
- Latest