Pacquiao bumabandera sa Fighter of the Year award
MANILA, Philippines — Nangunguna si eight-division world champion Manny Pacquiao sa karera sa World Boxing News (WBN) Fighter of the Year 2019 Award.
Sa ginaganap na botohan sa official website ng WBN, nasa unahan ng listahan ang Pinoy champion matapos makalikom ng 88.8 porsiyento ng kabuuang boto.
Inilalampaso ni Pacquiao ang kanyang mga karibal na kandidato kung saan nasa malayong ikalawang puwesto si reigning World Boxing Organization light heavyweight titlist Canelo Alvarez na mayroong 3.9 porsiyento.
Nasa ikatlo si Japanese fighter Naoya Inoue, nagmamay-ari ng World Boxing Association bantamweight at International Boxing Federation bantamweight titles, hawak ang 2.8 porsiyento.
Ikaapat sina World Boxing Council heavyweight king Deontay Wilder, at WBA, IBO, WBO at IBO heavyweight champion Anthony Joshua na may parehong 1.7 porsiyento, ikaanim si IBF at WBC welterweight champion Errol Spence, Jr. (1.0) at pang-pito si WBC flyweight champion Juan Estrada (0.2).
Matatapos ang botohan bukas kung saan opisyal na papangalanan ang 2019 WBN Fighter of the Year.
Maliban sa Fighter of the Year award, nakaabang na rin ang buong sambayanan sa magiging desisyon ni Pacquiao kung sino ang makakalaban niya sa pagdepensa ng kanyang WBA welterweight belt.
Target ng kampo ni Pacquiao na magbalik sa ibabaw ng boxing ring sa Abril.
Kabilang sa mga kandidato ay sina Danny Garcia, Mikey Garcia at Shawn Porter.
Hindi rin nawawala sa listahan si undefeated American fighter Floyd Mayweather, Jr. na anumang oras ay posibleng bumalik sa boxing scene at harapin si Pacquiao sa isang multi-million rematch.
Nauna nang inihayag ng Pinoy legend na may negosasyon nang nagaganap para matuloy ang Pacquiao-Mayweather 2.
- Latest