Northport sa game 1
MANILA, Philippines — Bagama’t nawalang parang bula ang inilistang 16-point lead sa third period ay hindi naman isinuko ng NorthPort ang panalo.
Kumamada ang mga Batang Pier sa fourth quarter para paluhurin ang Ginebra Gin Kings, 124-90, sa Game One ng kanilang semifinals series para sa 2019 PBA Governor’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagposte si import Michael Qualls ng 38 points para tulungan ang NorthPort na kunin ang 1-0 bentahe sa kanilang best-of-five semifinals duel ng Ginebra.
Nagdagdag si Gabo Lanete ng 24 markers para sa Batang Pier kasunod ang 16, 14 at 11 points nina Christian Standhardinger, Sol Mercado at Sean Anthony, ayon sa pagkakasunod.
Itinala ng NorthPort ang 57-41 kalamangan sa kaagahan ng third quarter galing sa magkadikit na triples ni Mercado hanggang makalapit ang Ginebra sa 62-63 sa likod ni import Justin Brownlee sa huling 4:37 minuto nito.
Muli namang kumawala ang Batang Pier sa final canto sa pagbibida nina Qualls at Lanete para itayo ang 21-point advantage, 93-72, sa 7:56 minuto ng naturang quarter.
Lalo pang nabaon ang Gin Kings sa 104-78 matapos ang tip in ni Qualls sa nalalabing 4:37 minuto ng bakbakan.
Samantala, inamin ni TNT Katropa head coach Bong Ravena na sila ang tumatayong ‘underdogs’ sa kanilang best-of-five semifinals series ng Meralco.
“We have to come out really strong for we are the underdogs, not them,” wika ni Ravena sa bakbakan ng Tropang Texters at Bolts sa Game One ng kanilang semifinals showdown.
Nakatakda ang nasabing bakbakan ngayong alas-6:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sinibak ng TNT Katropa ang Alaska habang pinatalsik ng Meralco ang dating kampeong Magnolia sa kani-kanilang quarterfinals match.
Sa kanilang unang pagtatagpo sa eliminasyon noong Oktubre 12 ay nakabangon ang Tropang Texters mula sa 19-point deficit para resbakan ang Bolts, 116-113.
Sa nasabing panalo ng TNT Katropa ay nagpasabog si import KJ MacDaniels ng 51 points at nakakuha ng suporta mula kina RR Pogoy at Jayson Castro.
Kumolekta naman si two-time PBA Best Import Allen Durham ng 43 markers, 12 rebounds at 9 assists sa panig ng Meralco.
- Latest