Royalties ng Brunei bumilib sa venue ng polo event
MANILA, Philippines — Pinuri ng mga sikat at mabibigat na mga atleta ng polo mula sa Southeast Asia ang bagong tayong Miguel Romero Polo Field sa Calatagan, Batangas kung saan isinagawa ang polo event ng 30th SEA Games.
Kabilang sa humanga sa nasabing world-class polo playing field ay ang magagaling na mga Royalties ng Brunei na sina Prince Jefri Bolkiah at anak na si Prince Bahar, Princess Azemah at Prince Mateen – mga anak ni Sultan Hassanal Bolkiah.
Ayon naman sa mga opisyales ng Malaysia at Indonesia na mahirap ikumpara ang facilities ng Miguel Romero field dahil kumpleto sa mga kinakailangan kaya hindi ito mapantayan sa mga susunod na SEA Games.
Ikinumpara ni Indonesian coach Nico Curto ang playing field sa kilalang Palermo Polo Field sa Argentina.
“The Miguel Romero polo field is one of the best I have seen in the world,” sabi ni Curto.
“We feel home here because we know Mikee (Rep. Mikee Romero) for a couple of years already so we would like to come back and play here again,” dagdag ni Curto.
Sinabi ni Prince Sufri Bolkiah, kapatid ni Sultan Hassanal at pangulo ng Brunei National Olympic Committee na ang kanilang panalo sa SEA Games na ginanap sa naturang facilities ay isa sa mga hindi niya malilimutan.
“Winning one of Brunei two gold medals in a world-class facility such as the Miguel Romero facility will be one of the most memorable moments for the whole Bruneians.”
Ito na raw ang magiging batayan sa mga sumusunod na host ng SEA Games, ayon kay Prince Mateen at Princess Azemah Bolkiah.
Tinalo ng Brunei ang Malaysia upang angkinin ang gintong medalya sa 0-2 goals division habang nasungkit naman ng Team Philippines ang bronze medal sa nasabing 0-2 goals division na parang ginto na rin ayon kina Romero, Tonio Veloso, Noel Vecinal, Jam Eusebio, Santi Juban, Julian Garcia, Franchesca Eusebio at coach Anthony Garcia.
- Latest





















