Team Philippines Mainit Ang Simula humakot ng 21 ginto
CAPAS, Tarlac , Philippines — Sa harap ng kanilang mga kababayan ay pinamunuan ng mga atleta mula sa dancesport, gymnastics, wushu, arnis at sepak takraw ang pananalasa ng Team Philippines sa 30th Southeast Asian Games kahapon sa iba’t ibang venues.
Nagbulsa ng 10 sa kabuuang 13 gold medals ang mga Pinoy sa dancesports competition sa Royce Hotel sa Clark, Pampanga.
Tatlong ginto ang sinikwat nina Sean Mischa Aranar at Ana Leonila Manalo Nualla sa Tango, Viennese Waltz at Five Dance events at sina Wilbert Aunzo at Pearl Caneda sa rumba, samba at cha-cha.
Nag-ambag ng dalawang gold medals sina Mark Jayson Gayon at Mary Joy Renigen sa Waltz at Slow Foxtrot category.
Nagdagdag ng isang ginto sina Michael Marquez at Stephanie Sabalo mula sa Latin Paso Doble.
Hindi naman binigo ni 2019 World Gymnastics Championship gold medalist Calos Yulo ang kanyang mga kababayan matapos pagharian ang all-around event ng men’s artistics sa Rizal Memorial Coliseum.
“I just want to thank God and thank them,” sabi ni Yulo na hangad walisin ang anim pa niyang events bilang paghahanda sa 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
Sa Subic, kinuha nina Rambo Chicano at Andrew Kim Remolino ang gold at silver medal sa men’s individual triathlon habang dinuplika ito nina Kim Mangrobang at Kim Kilgroe sa women’s class.
“Nagpapasalamat kami sa ating mga kababayan na sumuporta sa amin,” saab ng 28-anmyos na si Chicano, pumangalawa sa kababayang si Nikko Huelgas noong 2017 SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sa wushu sa World Trade Center, matagumpay na naidepensa ni Agatha Wong oang kanyang gold medal sa women’s taolu taijiquan event.
Dalawang ginto naman ang inangkin ng Nationals sa hoop event ng sepak takraw.
Nakumpleto naman ng mga Pinoy ang four-gold sweep sa arnis mula sa mga panalo nina Dexler Bolambao, Nino Mark Taledo, Villardo Cunamay at Mike Banares.
Sa 3x3 basketball, tinambakan ng Gilas Pilipinas women’s team ang Myanmar, 21-4, kasunod ang 16-13 pagtakas sa Indonesia.
Sa men’s division, tinalo naman ng Gilas Pilipinas ang Vietnam, 21-15.
- Latest