Philippine skaters puntirya ang ginto
MANILA, Philippines — Pakay ng national ice skating team na mag-ambag ng gintong medalya sa pagpapatuloy ng 2019 Southeast Asian Games figure skating competition ngayong araw sa SM Megamall Skating Rink sa Mandaluyong City.
Matapos ang short program noong Biyernes, nasa magandang puwesto ang Pilipinas para makuha ang ginto matapos manguna si Alisson Krystle Perticheto sa women’s division kung saan nagtala ito ng 53.65 puntos.
“I’m a bit pressured but I’m focused with my routine,” ani Perticheto.
Naungusan ni Perticheto sina Chloe Ing ng Singapore (50.67), Savika Refa Zahira ng Indonesia (32.62), Thita Lamsam ng Thailand (27.30), Tasya Putri ng Indonesia (26.34), Teekhree Silpa-Archa ng Thailand (26.18), Aiba Sorfina Mohd Aminudin ng Malaysia (25.66), Sze Chi Chyew ng Malaysia (22.78) at Cirinia Gillett ng Pilipinas (20.93).
Kailangan na lamang ni Perticheto na makapagbigay ng magandang performance sa free skate program ngayong araw para pormal na makuha ang gintong medalya.
Pagsasamahin ang puntos sa short program at free skate program para madetermina ang final ranking ng mga atleta.
Sa men’s class, malaki rin ang tsansa nina Christopher Caluza at Edrian Paul Celestino na nagtapos sa ikalawa at ikatlong puwesto sa short program.
Umiskor si Caluza ng 62.37 puntos habang may 61.52 naman si Celestino.
Magsisilbing tinik ng Pinoy skaters si Julian Zhi Jie Yee ng Malaysia.
- Latest