Ateneo kampeon UST ‘di na pinaporma
MANILA, Philippines — Nagtagumpay ang Ateneo sa asam na historic 16-game sweep matapos muling padapain ang University of Santo Tomas, 86-79 kahapon sa Season 82 UAAP men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Hindi na nag-aksaya pa ng oras ang Ateneo tungo sa pag-angkin sa kanilang ika-11 na titulo makaraang tapusin ang best-of-three Finals series, 2-0 at maging nag-iisang koponan na nag-kampeon na hindi nakatikim ng talo simula sa elimination round hanggang sa Finals simula ng mag-umpisa ang Final Four era.
“Sobrang happy. Ngayon iiyak na ako dahil ma-mimiss ko na kayong lahat,” sabi ng graduating na si Matt Nietto.
Umani si Thirdy Ravena ng 17 puntos, pitong rebounds at limang assists habang si SJ Belangel ay tumipak ng 14 puntos kabilang na ang limang triples at 14 puntos, anim na rebounds at dalawang assists mula kay Matt Nietto.
“It’s been a great five years in college. Pasalamat din ako sa UST for a wonderful finals series,” ayon din kay graduating na si Ravena.
Nagtulung-tulong sina Ravena at William Navarro upang agad iangat ang Blue Eagles sa 31-18 bentahe pagkatapos ng unang yugto.
Kahit hinigpitan ng Growling Tigers ang depensa, hindi pa rin napigilan si Ravena sa ikalawang yugto para mapanatili ang kalamangan, 42-32 sa first half.
Sa shooting ni Ravena at Navarro, nagposte ang Ateneo ng 44 porsyento sa field goal sa first half kumpara sa mababang 29 porsyento lamang ng UST sa unang dalawang yugto.
Samantala, nagwagi ang five-peat champion National University Lady Bulldogs kontra sa University of Santo Tomas Golden Tigresses, 70-65 upang umusad sa isang panalo na lamang tungo sa pagwalis sa 82 season.
Tumipak si Kelli Hayes ng 16 puntos, apat na rebounds, dalawang steals at isang assists para pa ngunahan ang best-of-three Finals series, 1-0.
Sa kabilang banda, pormal na tinanggap ni Beninese import Soulemane Chabi Yo ng UST ang MVP award habang kasama naman sina Justine Baltazar at Jamie Malonzo ng DLSU, Kobe Paras ng UP at Rey Suerte ng UE sa Mythical Five.
- Latest