Pinay Spikers nakuntento sa tanso
MANILA, Philippines — Lumasap ang Pilipinas ng 21-25, 17-25, 25-21, 21-25 kabiguan sa mga kamay ng bisitang Indonesia para magkasya sa tansong medalya sa 2019 Asean Grand Prix second leg kagabi sa Sta. Rosa Multipurpose Gym sa Sta. Rosa, Laguna.
Tinapos ng Pilipinas ang kanilang kampanya tangan ang 1-2 rekord, habang nakuha naman ng Indonesia ang 2-1 marka.
Nanguna sa opensa ng Pinay spikers sina Jovelyn Gonzaga, Alyssa Valdez, Maddie Madayag at Ces Molina ngunit hindi sapat ang pinagsanib na puwersa ng apat para makuha ang panalo.
Ito ang ikalawang tansong medalya ng Pilipinas sa Asean Grand Prix matapos pumangatlo sa first leg noong Setyembre sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Nasungkit ng Indonesia ang pilak na medalya sa ikalawang sunod na pagkakataon.
Muling napasakamay ng powerhouse at reigning Southeast Asian Games champion na Thailand ang gintong medalya matapos walisin ang lahat ng tatlong asignatura.
Tinalo ng Thailand sa huling araw ng kumpetisyon ang Vietnam, habang pinataob din nila ang Indonesia at Pilipinas sa kanilang unang dalawang asignatura.
Nagtapos sa ikaapat na puwesto ang SEA Games silver medalist na Vietnam na walang naipanalo sa tatlong laro.
- Latest