PMMS umeskapo sa DLSAU, sumalo sa itaas
MANILA, Philippines — Sumosyo ang Philippine Merchant Marine School sa liderato ng Group B matapos talunin ang DLSAU, 60-58 sa 19th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) sa Philippine Christian University Gym noong Sabado.
Ipinasok ng sentrong si Wendel Attas ang isang free throw sa huling limang segundo sa orasan para selyuhan ang kanilang panalo at umakyat sa 3-0, katabla ang Enderun Colleges.
Lamang ng 13 ang Mariners matapos ang tres ni Attas, 52-39 at 6:07 sa orasan subalit bumangon ang mga Stallion sa likod nina Jonas Briones, Henry Iloka at Kennete Balbuena upang lumapit sa 58-59 matapos ang dalawang free throw ni Briones dahil sa unsportsmanlike foul ni Bryan Hilario at 17 segundo sa laro.
Nanatili ang bola sa DLSAU subalit hindi sila nakapuntos at tinapon nila ito.
Pagkatapos ng PMMS timeout, binigyan ng foul ni Julius Felix Lorenzo si Attas at hindi niya pinasok ang una pero kalmadong pinasok ang pangalawa.
Sa unang laro, bumanat ang Saint Francis of Assisi College sa second quarter upang tuluyang iligpit ang Manuel L. Quezon University, 63-40.
Samantala, naitala ng New Era University ang kanilang unang panalo sa torneo matapos pigilin ang Holy Angel University, 72-51.
Tinambakan naman ng Our Lady of Fatima University ang Technological University of the Philippines, 63-37.
- Latest